Prayer When Visiting A Grave (Tagalog)
PANALANGIN KUNG DUMADALAW SA ISANG LIBINGAN
Ginigiliw na mga kaluluwa sa Purgatorio, na ang mga katawan
ngayon ay nababaon sa pinagpalang pook na ito, masdan ninyo akong naririto
ngayon upang magpuri sa Dios at tumulong sa inyo. Naparito ako upang dumalaw at umaliw sa inyo
at upang kayo’y ibsan ng hirap sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig na
binasbasan sa inyong libingan. Yaong sa
katunayan ay siya ninyong Kaaliwan ay siyang aaliw sa inyo at Siyang tunay na
Kapahingahan at Kapayapaan ay siyang magdudulot sa inyo ng ganap na kapahingahan. Si Hesukristong Bugtong na Anak ng Dios, Na ipinako sa paripa ng Krus at namatay dahil sa inyo ay Siya ngayong magpapadaloy ng Pulang-pula Niyang Dugo
mula sa Limang Sugat sa mga apoy ng Purgatorio.
Ang Kamahal-mahalang Dugong ito ang siyang pupukaw at magbibigay-ginhawa
sa mga kaluluwa sa gitna ng kanilang paghihirap. Pinakamamahal na mga kaluluwa ng aking mga
magulang at mga ninuno, ng aking mga kamag-anak, mga kaibigan, at ng lahat ng
aking mga kakilala—kayo ay binabati ko at pinasasalamatan sa lahat ng ginawa
ninyong kabutihan sa akin. Bilang
pagkilala ng utang na loob na ito ay inihahandog ko alang-alang sa inyo ang
masaganang karapatan ni Jesus at ni Maria, gayon din ng lahat ng Banal at
Pinili ng Dios. Buong pagpapakumbaba
kong isinasamo sa kanila na kayo ay kanilang idalangin at pahupain ang poot ng
Katarungang-Dios. Subali’t
dinadalanginan kong lalong lalo na yaong mga mahal na kaibigan ng Dios, na ang
mga katawan ay nalilibing dito subali’t ang kaluluwa ay maligayang maligayang
naninirahan ngayon sa langit, upang idalangin nila ang mga naghihirap na
kaluluwa ng kanilang mga kaibigan at kapuwa at hilinging sila ay palayaing
maaga sa kanilang mga kahirapan.
Ipamalas ninyo sa kanila ang Kawanggawang Kristiyano na nag-uutos sa
inyong gawan ng mabuti ang inyong kapuwa at ialay sa Dios ang dalanging itong
iniaanib ko sa inyong mga dalangin para sa kaaliwan ng mga naghihirap na
kaluluwa sa Purgatorio. Siya nawa.
PANALANGIN KUNG AALIS NA SA LIBINGAN
Ipinagkakatiwala ko kayo, minamahal na mga kaluluwa, sa Dios
at iniaalay ko ang aking dalangin sa Dios alang-alang sa inyo. Kung kayo naman ay lumaya na sa Purgatorio at
ako ay siyang naghihirap sa Purgatorio, ako sana ay inyong alalahanin at ihingi
ng kapatawaran sa Dios. Siya nawa.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home