Saturday, November 01, 2014

Prayer When Visiting The Cemetery (Tagalog)

PANALANGIN KUNG DUMADALAW SA ISANG LIBINGAN

Ginigiliw na mga kaluluwa sa Purgatorio, na ang mga katawan ngayon ay nababaon sa pinagpalang pook na ito, masdan ninyo akong naririto ngayon upang  magpuri sa Dios at tumulong sa inyo.

Naparito ako upang dumalaw at umaliw sa inyo at upang kayo'y ibsan ng hirap sa pamamagitan ng pagwiwisik ng tubig na binasbasan sa inyong libingan.

Yaong sa katunayan ay siya ninyong Kaaliwan ay siyang aaliw sa inyo at Siyang tunay na Kapahingahan at Kapayapaan ay siyang magdudulot sa inyo ng ganap na kapahingahan.

Si Hesukristong Bugtong na Anak ng Dios, na ipinako sa paripa ng Krus at namatay dahil sa inyo ay Siya ngayong magpapadaloy ng Pulang-pula Niyang Dugo mula sa Limang Sugat sa mga apoy ng Purgatorio.

Ang Kamahal-mahalang Dugong ito ang siyang pupukaw at magbibigay-ginhawa sa mga kaluluwa sa gitna ng kanilang paghihirap.

Pinakamamahal na mga kaluluwa ng aking mga magulang at mga ninuno, ng aking mga kamag-anak, mga kaibigan, at ng lahat ng aking mga kakilala--kayo ay binabati ko at pinasasalamatan sa lahat ng ginawa ninyong kabutihan sa akin.

Bilang pagkilala ng utang na loob na ito ay inihahandog ko alang-alang sa inyo ang masaganang karapatan ni Jesus at ni Maria, gayon din ng lahat ng Banal at Pinili ng Dios.

Buong pagpapakumbaba kong isinasamo sa kanila na kayo ay kanilang idalangin at pahupain ang poot ng Katarungang-Dios.

Subali't dinadalanginan kong lalong lalo na yaong mga mahal na kaibigan ng Dios, na ang mga katawan ay nalilibing dito subali't ang kaluluwa ay maligayang naninirahan ngayon sa langit, upang idalangin nila ang mga naghihirap na kaluluwa ng kanilang mga kaibigan at kapuwa at hilinging sila ay palayaing maaga sa kanilang mga kahirapan.

Ipamalas ninyo sa kanila ang Kawang-gawang Kristiyano na nag-uutos sa inyong gawan ng mabuti ang inyong kapuwa at ialay sa Dios ang dalanging itong iniaanib ko sa inyong mga dalangin para sa kaaliwan ng mga naghihirap na kaluluwa sa Purgatorio.

Siya nawa.



PANALANGIN KUNG AALIS NA SA LIBINGAN

Ipinagkakatiwala ko kayo, minamahal na mga kaluluwa, sa Dios at iniaalay ko ang aking dalangin sa Dios alang-alang sa inyo.

Kung kayo naman ay lumaya na sa Purgatorio at ako ay siyang naghihirap sa Purgatorio, ako sana ay inyong alalahanin at ihingi ng kapatawaran sa Dios.

Siya nawa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home