Ang Novena Para Sa Ating Mga Mahal Na Yumao
MGA PANGUNGUSAP NI PAPA SAN GREGORYO1. O Panginoon kong Hesukristo, na sa pagsakop Ninyo sa amin, napako Kayo sa Krus at pinutungan Kayo ng koronang tinik, sinasamba namin Kayo at nag-aamu-amo na ang Krus Ninyo ay mag-adya sa mga masasamang kaaway namin.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
2. O Panginoon kong Hesukristo, na pagsakop Ninyo sa amin, ay Inyong tiniis ang di-mamagkanong kahirapan at Inyong ininom ang suka at apdong mapait, sinasamba namin Kayo at nag-aamu-amo na ang Inyong mga kahirapan ay maging kagamutan ng aming kaluluwa.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
3. O Panginoon kong Hesukristo alang-alang duon sa kapaitang Inyong dinlaita sa Krus dahilan sa aming mga kasalanan, lalo na sa oras na ang Inyong mahal na Kaluluwa ay humiwalay sa kasantu-santusan Ninyong Katawan, nag-aamu-amo kami sa Inyo na kaawaan ang aming kaluluwa kung pumanaw na dito sa mundo.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
4. O Panginoon kong Hesukristo, na sa pagsakop Ninyo sa amin ang Inyong kasantu-santusang Katawan ay pinahirapan ng mira at asibar at saka ibinaon, sinasamba namin Kayo at nag-aamu-amo na ang Inyong pagkamatay ay maging kabuhayan namin.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
5. O Panginoon kong Hesukristo, na nanaog sa Limbo ng mga banal, at Inyong hinango ang nangaroong mga bihag, sinasamba namin Kayo at nag-aamu-amo sa Inyo, na huwag Ninyo ipahintulot na ang kaluluwa ay maging bigay sa impiyerno.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
6. O Panginoon kong Hesukristo, na nabubuhay Kayo ng mag-uli na puspos ng kapangyarihan, umakyat Kayo sa Langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos Ama. Dinadalanginan namin Kayo na magdalang-awa sa amin.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
7. O Panginoon kong Hesukristo, kabuti-buti nang Pastor, iadya Ninyo ang mga banal, liwanagan ang mga makasalanan, kaawaan ang mga kristiyanong nangamatay, na kami na dakilang makasalanan ay Inyong kaawaan din naman.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
8. O Panginoon kong Hesukristo, naparito Kayo at huhukuman Ninyo kami nang Inyong maiakyat sa kaluwalhatian ng Langit ang mga banal at mabigyan ng parusang walang pagkatapos ang mga makasalanan. Sinasamba namin Kayo at nag-aamu-amo na ang Inyong mga hirap at sakit ay magligtas sa amin sa lahat ng parusa, at maghatid sa amin sa kabuhayang walang hanggan.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
9. O kaibig-ibig na Ama, inihahain namin sa Inyo ang pagkamatay ng bugtong Ninyong Anak, at ang pag-ibig ng Mahal Nilang Puso, alang-alang sa mga parusang nararapat sa amin na makasalanan sa lahat, dahil dito sa mga kamalian namin; inihahain rin namin ang karalitaan ito at matimtim na pag-ibig sa pag-aalaala sa aming mga kamag-anak at mga katoto; nag-aamu-amo nga kami sa Inyo na kami ay Inyong kaawaan.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
Panalangin
O Hesukristo, aming Panginoon, nagpapakumbaba kaming sumasamo sa Inyong ipagkaloob sa amin ang kapatawaran at mga biyayang ipinagkakaloob ni San Gregoryo sa mga sumasamba sa Inyo sa pamamagitan ng mga panalanging ito sa mga misteryo ng Inyong dakilang Pasyon; Kayo na nabubuhay at naghahari mapasawalang hanggan.
AMA NAMIN at ABA GINOONG MARIA
Pagsisi
Panginoong namin Hesukristo, Diyos na tutuo, at tao naman tutoo: gumawa at sumakop sa amin, ang pagka-Kayo at dahil sa iniibig namin Kayo gn lalo sa lahat; pinagsisisihan naming masakit sa tanang loob namin at puso ang pagkakasala namin sa Inyo, at nagtitika kami, Panginoon, na di na kami muling magkakasala sa Inyo sa tulong ng Inyong grasya; at iiwasan namin na ang dilang ipagkakasala namin sa Inyo, at magkukumpisal kami, magbabagong-asal at tutupdin namin ang mga parusang iaatas dahil sa kasalanan namin, at ihahain namin sa Inyo, Panginoon namin, ang aming buhay, mga gawa at kahirapan bilang kabayaran ng aming pagdaing gayundin and aming pag-asang matamo ang Inyong biyaya at awang walang hanggan, nang kami'y makapagbagong-asal at manatili sa banal na paglilingkod sa Inyo hanggang sa kamatayan at sa katapusan nito ay mapasa-Inyong biyayang walang hanggan. Siya nawa.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home